Saturday, February 28, 2009

Kwaresma


Unang Linggo ng Kuwaresma


Nagsimula na tayong maglakbay sa panahon ng kuwaresma. Tayo ba ay naghanda? Tayo ba ay nagdala ng sapat na baon?

Sa Ebanghelyo, si Jesus ay ipinakikilala na sa tanang buhay niya ay handang suungin ang paglalakbay patungong Jerusalem upang harapin ang kanyang paghihirap at pagkamatay upang matupad and Misteryo Pascual. Sa katunayan, bago niya simulan ang kanyang hayag na buhay ng ministeryo, siya muna ay pumunta sa disyerto sa loob ng 40 araw at gabi upang maghanda sa kanyang espiritwal na paglalakbay. 40 araw at gabi ng panalangin at pag-aayuno.

Sa disyerto, si Jesus ay napasailalim sa tukso ng demonyo. Isang karanasan na laging nakakasalamuha ng ordinaryong tao. Napagtagumpayan ni Hesus ang tukso kung kaya nga’t ito rin ang nais niyang ituro sa sinumang nais maglakbay sa panahon ng kuwaresma.

Sa paglalakbay, dapat nating dalhin ang mga bagay na kailangan lamang. Paano ito ginawa ni Jesus? Sa unang tukso, iwinaksi ni Hesus ang pagiging makasarili! Sabi ng demonyo: “Dahil ikaw ay makapangyarihan, gawin mong tinapay ang batong ito.” Isang tukso na gamitin ang kapangyarihan sa sariling kapakanan, sa sariling kaginhawahan, sa makasariling motibo. Subalit si Jesus ay hindi nadala bagkus mapagpasinsyang naghintay hanggang sa pagkakataon gawing tinapay, hindi ang bato, kundi ang kanyang mismong katawan, upang maging pagkain, hindi para busugin ang kanyang sarili, kundi ibigay sa lahat upang maging tunay na pagkain sa ikaliligtas ng marami.

Ikalawa, ang tukso ng pagsamba kay Satanas. Ang tukso ng pagsamba sa mga bagay na magpapalayo sa tunay na pagsamba sa Diyos. Ang sabi ng demonyo: “Sambahin mo lamang ako at ibibigay ko sa’yo ang lahat ng kaharian ng mundo.” Ano ang kahariang makamundo? Hindi ba’t ang materialismo! Subalit handa si Jesus ng iwaksi ang kahariang makamundo, sapagkat handa siyang ipahayag ang isang kaharian, hindi ang kaharian ni Satanas, bagkus ang kaharian ng Diyos, isang kaharian kung saan ang pagmamahalan, kapayapaan at katarungan ang namamayani.

Ikatlo, ang tukso ng pagmamataas (pride). Sinabi ng demonyo: Magpatinhulog ka sa templo sapagkat hindi ka mapapahamak sapagkat aalalayan ka ng mga anghel. Subalit ang motibo ng demonyo ay upang makita ng maraming tao, na sa pagkakataong iyon ay natitipon sa templo, nang sa gayon ay maging sikat siya at palakpalakan sa isang spectacular na palabas. Hayagang iwinaksi ni Jesus ang anumang anyo ng pagmamataas, sa halip ay handa siyang magturo tunggkol sa kapakumbabaan, isang payak na pamumuhay at lahat ng mga katangiang katulad ng mga malilit na bata.

Ito ang tatlong bagay na itapon natin sa paglalakbay sa panahon ng kuwaresma: pagmakasarili, materialismo at pagmamataas! Dalhin natin ang mga bunga ng Espiritu Santo, na sa totoo nga’y ipinagkaloob na sa atin noong tayo’y binyagan at kumpilan. Dalhin natin ang mga katangian ng pagmamalasakit sa kapwa, tunay na paghanap sa Kaharian ng Diyos, at ang papapakumbaba.

Ang panahon ng kuwaresma ay isang magandang pagkakataon upang piliin ang mga bagay na dadalhin natin sa patuloy na paglalakbay dito sa lupa. Gusto mo bang magdala ng mga bagay na junk o bulok, o iyong bagay lamang na mabubuti at kaaya-aya sa Panginoon? Magdala tayo ng baon at iyon din ang ating handog sa Panginoon pagkatapos ng ating paglalakbay patungo sa Ama!

No comments: