Tanong: Si “Myrna” isang OFW, 45 taong gulang, 10 taon na nagtratrabaho sa Italia bilang tagapag-alaga ng isang matanda (Care giver). Nang siya ay umalis sa Pilipinas, mayroon na siyang problema sa kanyang asawa, na may ibang babae. Ito ang nagbunsod sa kanya na mangibang-bansa upang tuluyang hiwalayan ang asawa. Sila ay may 1 anak na nasa pangangalaga ng magulang ni Myrna.
Sa loob ng 10 taon sa Italia, nakilala niya si “Nestor”, binata, at sila ay madaling nagkapalagayan ng loob. Sila ay naging magkasintahan hanggang mapag-isipan na nilang magpakasal.
Ang problema: si Myrna ay kasal sa simbahang Katoliko. Ang 10 taon bang pagkakahiwalay nila ng kanyang asawa sa Pilipinas ay sapat na para payagan na makasal ulit? Paano ang tamang paraan para mapawalang-bisa ang unang kasal ni Myrna, upang makapag-pakasal sa kasalukuyang kasintahan?
Sagot: Una sa lahat, ang 10 taong pagkakahiwalay ng mag-asawa ay hindi nagbibigay ng kapahintulutan sa isa’t isa na pwede nang nag-asawa. Walang kinalaman ang tagal ng hiwalayan para mapawalang bisa ang kasal. (Maliban na lang sa kaso ng “presumed death”. Sa ibang pagkakataon maarin nating pag-usapan ito).
Ngayon sa katanungan kung paano ang paraan para sina Myrna at Nestor ay makasal, ang unang hakbang ay tingnan kung may dahilan na ang unang kasal ni Myrna ay maideklara na walang bisa (declaration of nullity). Kailangan na ito ay maidulog sa isang Marriage Tribunal para maproseso ang deklarasyon. Sa Diyosesis kung saan ikinasal o kung saan nakatira ang mga nasasangkot maaaring idulog ang petisyon ng pagpapawalang bisa ng kasal.
Ano po ang ibig sabihin ng deklarasyon ng nullity sa kasal?
Ang deklarasyon ng nullity sa kasal ay ipinakikitang walang naganap na totong Sakramento Matrimonial noong ikasal ang lalaki at babae sa simbahan kaya ang mga ito ay maaaring pahintulutan ng Tribunal ng Simabahan na maghiwalay o di na magsamang muli bilang mag-asawa. Ang deklarasyon ng nullidad ng kasal ay nagpapahiwatig na hindi tunay ang nagyaring kasal dahil may hadlang (impedimento) na hindi naalis o dili kaya’y may depekto ang konsientimento ng dalawa o isa sa mga ikinasal o kaya’y wala naman talagang intensyon na sila’y magpakasal ayon sa intensyon ng simbahang katoliko.
Gaano po ba katagal ang proseso ng deklarasyon ng nullity?
Medyo matagal-tagal rin, depende sa pag-usad ng kaso. Subalit kailangan na may linaw ang kaso para umusad sa loob ng isang taon. Nagiging mabagal ang pag-usad ng proseso dahil sa hindi pakiki-isa ng respondent o mga testigo. O dili kaya sa kawalan mismo ng interest ng petitioner. Depende sa dahilan ng paghingi ng deklarasyon, may mga kailangan pa na konsultahin, tulad ng mga expert (medical, psychiatrist, atb).
Kung naideklara na ng Marriage Tribunal na walang bisa ang kasal, maari na ba kaagad na sila ay magpakasal?
Depende pa rin. Kung ang dahilan ng pagdeklara ng nullidad ay immaturity or psychological incapacity, maaring sabihin ng Tribunal na hindi kaagad sila pwedeng magpakasal hangga’t hindi napapatunayan na ganap na siyang makakatayo sa sarili (matured na.).
Kung ang Marriage Tribunal ng Simbahan ay nagbigay na ng desisyon ng pagwawalang-bisa ng kasal, kailangan pa bang idulog ito sa Civil Court o Family Court para sa mga epektong legal?
Ang desisyon ng Tribunal ng Simbahan ay para lamang sa aspektong sacramental at canonical, alalaong baga’y hinggil sa pagiging sakramento ng Kasal, at wala itong kinalalaman sa mga epekto ng batas pampamahalan o civil laws. Kailangan pa rin idulog ito sa Korte Sibil. Sa Pilipinas, karaniwan na ang kasal sa pari o simbahan ay mayroon ding epektong sibil. Sa katunayan, ang ikinasal ng isang pari ay inirerehistro din sa mga civil registrar, kaya sakop din ng batas sibil.
Kung sakali pong hindi napawalang-bisa ng Tribunal ng Simbahan ang kasal dahil walang mabigat na dahilan, subalit naideklara naman ng Korte Sibil na walang bisa ang kasal, pwede po bang pakasal din sila sa Simbahan?
Hindi. Kung hindi nagdeklara ang Simbahan na walang bisa ang kasal, nangangahulugan na balido ang kasal at nananatili ang marriage bond. Ang bawat isa ay hindi maaaring magpakasal uli sa iba. Kung ang Korte Sibil ay nagpawalang-bisa naman ng kasal, maaring sa sibil sila magpakasal. Subalit kung ang magpapakasal ay parehong Katoliko, hindi pa rin ito maaaring pahintulutan. Maaring ang kanilang pagsasama ay hindi labag sa batas sibil subalit labag naman sa batas ng simbahang katoliko.
Sa kaso ni Myrna at Nestor, nakabubuti na kaagad alisin nila ang hadlang (impedimento) sa kanilang pagpapakasal. Sumangguni sa kanilang Kura Paroko upang matulungan na mag-petisyon sa Tribunal ng simbahan, at hintayin ang positibong tugon bago magplano ng pagsasama o pagpapakasal. Kung sakali namang hindi maaaring ideklara ang unang kasal ni Myrna na walang bisa, mas nakabubuting sila ay kumalas sa kanilang kasalukuyang relasyon.
Wednesday, August 18, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
2 comments:
Sir saan p po pwde mahanap ung record ng binyag kung hindi mahanap sa simbahan kailangan ko po malaman kase po hindi mahanap ung record ko sa simbahan magpapakasal npo kase ako.. sana po masagot nyo ang problema ko marami pong salamat..
pano po yung hindi kinasal sa,pari,ministro,o mayor oh kahit san na may karapatan magkasal nakasal lamang sa pirma ng marriage contract at ang mga saksi din ay hindi sila mismo ang lumagda ngunit nairehistro sa NSO may posibilidad ba mawalan ng bisa ang kasal.
Post a Comment