Wednesday, August 18, 2010

Q & A # 3


Tanong: Marami sa mga binata at dalaga ngayon na hindi na naniniwala sa Kasal, lalo na sa Kasal sa Simbahan, kesyo kaugalian lang daw ang pagpapakasal sa Simbahan, o kagustuhan lang ng mga magulang. Mas mainam nga raw na mag live-in muna bago pakasal para malaman kung talagang sila ay sa isa’t-isa. Monsignor, Bakit po ba kailangan pang magpakasal sa Simbahan?

Ayon sa Batas ng Simbahan, ang sino mang binyagang Katoliko o naging Katoliko ay sakop ng mga batas hinggil sa kasal, hindi lamang ng batas divina kundi ng mga batas rin na nakapaloob sa Kodigo ng Batas Kanon (cf. CIC Can. 1059). Mababasa sa CIC Can. 1117 na ang isang Katoliko ay obligadong tanggapin ang forma kanonikal ng kasal.

Ano po ba ang tinatawag na forma kanonikal ng kasal?

Ang forma kanonikal ng kasal ay pagpapahayag ng palitan ng konsentimiento matrimonial ng mga ikinakasal sa harapan ng isang diakono, pari o obispo bilang kinatawan ng Simbahan at sa harapan ng dalawang testigo. Kung ang kasal ng dalawang katoliko o kahit isa lang sa kanila ay katoliko ay naganap na walang forma kanonikal, ang kasal na yaon ay inaaring walang bisa o inbalido (cf. CIC Can. 1108).

Ang isa pang mas matinding dahilan kung bakit ang magkasintahan ay dapat magpakasal ay sa Simbahan ay dahil sa ang kasal kristiyano ay “isang taimtim na pagpasok ng mag-asawa sa isang wagas na pagtatalaga sa harap ng Diyos at ng pamayanang Kristiyano habang ipinahahayag nilang: ‘Nagmamahalan kami at umaasa kaming hindi magwawakas ang pagmamahalang ito. Hinihiling namin sa inyong igalang ang pananagutan naming ito at tulungan kaming maging tapat sa pananagutang ito’”(Katesismo para sa mga Pilipinong Katoliko (KPK), n. 1899).

Ano naman po ang maidudulot ng Kasal sa Simbahan sa mag-asawa?

Ang kasal sa Simbahan ay isang Sakramento. At bilang sakramento, ang kasal kristiyano ay larawan ng presensya ni Kristo sa buhay ng mag-asawa: “Nananahan Siya (si Kristo) sa piling nila upang sa pamamagitan ng pagbibigay nila ng sarili sa isa’t isa, ang mag-asawa ay magmahalan ng buong katapatan”(GS n. 48).

Ang maidudulot ng Sakramento ng Kasal ay ang mismong biyaya na ipinagkakaloob nito sa mag-asawa. Ang tawag dito ay “conjugal grace”. Ang grasyang ay nakalaan sa pagiging ganap ng pag-ibig mag-asawa, sa pagtitibay ng kaisahang di-malalansag. Sa pamamagitan ng grasyang ito "nagtutulungan sila sa isa't isa na magpakabanal sa buhay matrimonial at sa pag-aaruga at pagtuturo ng kanilang mga anak"(LG 11; cf. LG 41). Sa madaling sabi, ang Sakramento ng Kasal ay napakalaking tulong upang ang mga mag-asawa ay mabuhay na banal at maging mabuting mga magulang ng kanilang magiging mga anak (cf. CCC 1641-1642).

Ano naman po ang masasabi ninyo tungkol sa mga “live-in” na pagsasama at “trial marriages”?

Sa pagsasama ng malaya o live-in, tinatanggihan ng lalaki at babae na gawaran ang kanilang pag-uugnayan sekswal ng katangiang juridical o legal at ayaw ipaalam sa publiko ang kanilang pagsasama. Alalaong baga’y , sila ay nabubuhay sa kasinungalinan. Ano ang kahulugan ng isang pagsasamang walang kaakibat na pangako nsa isa’t isa at hindi nagtataglay ng pagtitiwala sa kabiyak, sa isa’t isa at sa kanilang hinaharap.

Ang live-in ay matatawag rin na concubinato, ang pagtanggi sa kasal, ang pag-iwas sa matagalang pakikipag-ugnayan. Ito’y salungat sa karangalan ng kasal, sinisira ang kahulugan ng pamilya, binabawasan ang pagpapahalaga sa katapan. Ang live-in na ugnayan ay labag sa alituntuning moral: ang pagtatalik ay dapat maganap lamang sa loob ng kasal; sa labas ng kasal, ito ay isang kasalanang mabigat (CCC 2390).

Eh, ang Trial Marriages po?

Tungkol naman sa mga “trial marriages” o pansamantalang pagsasama o talaga namang may balak na magpakasal kaya lang gusto nilang subukin kung sila ay para sa isa’t isa, ang itinuturo ng Simbahan ay ang ganitong pamamaraan ay hindi tiyak kung talagang mananatili silang totoo at tapat habang panahon. Maari naman subukin nila kung talagang itinadhana sila na mag-asawahan na hindi mag-sasama o mag-Trial marriage. Basta walang pakikipagtalik habang hindi pa kasal. Sapagkat ang relasyon sekswal ay naaayon sa moralidad at dapat ito’y ginagawa na may tiyak na pagkakaloob ng sarili sa isa’t –isa at hindi sa pagsubok lamang (cf. CCC 2391).

No comments: