Friday, August 20, 2010

Q & A # 4


Nabanggit po ninyo noong nakaraan na dapat magpakasal sa Simbahan ang mga Katoliko. Bakit mayroon po bang pagkakaiba ang Kasal sa Simbahan at Kasal sa Sibil?

Una sa lahat, ang Kasal sa Simbahan ay isang Sakramento. At ang Sakramento ng Kasal ay isang banal na kasunduan na pinagtibay ng mag-asawa sa harapan ng kinatawan ni Kristo, ang may akda ng Sakramento; at ng Kanyang Sambayanan. Ang kasunduang ito ay hindi mababali o mababago ng dalawang ikinasal lamang. Kasama nila ang Diyos sa kasunduang ito, at sang-ayon sa Kanya: “Ang pinag-isa ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao”(Mt. 19:6).

Samantala ang kasal sibil ay inaaring isang kontrata, kung saan ang tawag sa mga ikinasal sa sibil ay “contracting parties”. Bilang isang kontrata, ito ay nakabase sa anumang napagkasunduan at maaring baguhin kung sakaling gusto ng mga pumasok sa kontrata.

At isa pa, ang Sakramento ng Kasal ay nagkakaloob ng biyaya para sa mag-asawa (conjugal grace) upang magaan nilang maisakatuparan ang mga tungkulin bilang mag-asawa at bilang magiging magulang sa kanilang mga anak. Ang kasal sibil ay isang aktong legal at nagbubunga ng mga epektong legal lamang.

Ang mga Katolikong tumanggap ng Kasal Sibil ay inaaring hindi tumanggap ng tunay na kasal sa mata ng Diyos, alalaong baga’y sila’y nagsasama pa rin ng walang basbas ang Diyos. Sa madaling sabi, hindi pinapayagan ng Diyos. Bagamat sila’y legal na nagsasama bilang mag-asawa sa harap ng batas sibil, masasabi naman nating sila’y hindi sumusunod sa batas ng simbahan bilang mga Katoliko.

Marami pong ikinasal sa Simbahan na hindi naging maganda ang pagsasama at naghiwalay na, bakit magpapakasal pa?

Totoo na ang hangarin ng Sakramento ng Kasal ay upang maganda ang pagsasama ng mag-asawa, subalit ang desisyon ng pagpapaganda ng pagsasama ng mag-asawa at ang pagpapatuloy ng mabuting hangarin ng Simbahan ay nasa kamay pa rin mismo ng mag-asawa sapagkat maaari nilang palaguin o sirain ang gandang inihahandog ng Sakramento. Kaya hindi natin pwedeng sabihin na kapag ikinasal na ay gaganda na pagsasama ng mag-asawa. Ang Sakramento ng Kasal ay tutulong lamang upang pagtibayin ang pagsasama ng mag-asawa. Sila ay sisidlan ng grasya ng kasal na maaari nilang ingatan at pag-ibayuhin o dili kaya’y basagin o sirain ito. Maarin nilang panatilihing maganda ang sisidlang ito o kanilang balewalain para matapon at masayang. Kahit ang Diyos ay hindi tao pipiliting gumawa ng mganadang relasyon sa isa’t-isa kung wala tayong kooperasyon sa mga ibinibigay Niyang mga pagpapala. Kaya nga nagpapakasal sa simbahan ang magkasintahan upang tumanggap ng pagbabasbas mula sa Poong Maykapal.

Maaari bang tumanggap ng Banal na Komunyon ang hindi Kasal sa Pari o ang Hiwalay sa Asawa o isang Diborsyado/Diborsyada?

Ayon sa Batas ng Simbahan, ang isang tao na nabubuhay sa estado ng kasalanan, lalung-lalo na kung hayag at alam ng nakararami na siya ay nanatili sa paggawa ng mabigat na kasalanan at walang balak na umalis sa pagkakasala (obstinate and manifest siiner), ay hindi maaaring tumanggap ng Banal na Komunyon (CIC Can. 915). Kasama sa pagiging hayag na makasalanan ay ang pagiging matigas ang puso at hayagang hindi pagsunod sa mga kautusan ng Simbahan sa kabila ng maraming beses ng pangangaral. Ang isang halimbawa ng hayag na pamumuhay sa kasalanan ay ang pagsasama ng dalawang katoliko o kahit ang isa ay katoliko bilang mag-asawa na walang basbas ng Sakramento ng Kasal. Ito ay inaaaring isang kasalanan ng pakiki-apid. At ang kasalanang ito ay maaalis lamang kung silang dalawa ay tatanggap ng Sakramento ng Kasal.

Eh, paano naman po iyong mga hiwalay na at mga diborsyado o diborsyada?

Sa kaso naman ng mga hiwalay sa mag-asawa, kung sila ay wala namang kinakasamang ibang tao maliban sa dating asawa, hindi sila nagkakasala ng pakiki-apid. Kung wala silang ibang mabigat na kasalanan, maaari silang magkomunyon. Subalit kung sila ay hiwalay sa isa’t isa at pagkatapos ngayon ay may kinakasama, maliwanag na sila’y nagkakasala ng pakiki-apid. Gayundin sa isang diborsyado o diborsyada, kung siya ay hindi na mag-aasawa pang muli o walang kinakasama pang iba, maaari rin silang magkomunyon, subalit sa panahon na muling mag-asawa at hindi pa napapawalang-bisa ang unang kasal, siya rin ay nagkakasala.

1 comment:

Unknown said...

tanong lang po.. poyde ba ikasal ulit sa katoliko ang isang annuled na tao?