Wednesday, August 18, 2010

Q & A # 2


Tanong: Si Eva, dalaga at isang entertainer sa Japan, ay nakilala si Saki, isang diborsyado at may relihiyong Shintoismo. Sila ay naging magkasintahan, at pagkatapos ng isang taon ay nagyaya si Saki na pakasalan si Eva. Pumayag si Eva sa kondisyon na sa Pilipinas sila pakakasal at sa Simbahang Katoliko na mayroong engrandeng kasalan. Ano po ba ang mga kailangan nila para maghanda sa isang Katolikong kasalan?

Sagot: Medyo kumplikado ang binabalak na kasalang ito.

Una, sa panig ni Eva hindi masyadong mabusisi. Dahil siya ay siyang dalaga, kailangan lang niya ang certificate of no marriage (cenomar) mula sa civil registrar para mabigyan ng marriage license. Bilang katoliko, kailangan niyang kumuha ng Baptismal Certificate (with annotation of freedom to marry) at Confirmation certificate (kung hindi pa kumpil, mas nakabubuti na magpakumpil siya).

Ang mas kumplekado ay sa panig ni Saki: isang Hapones, Shinto at diborsyado.

Unang dahilan, bilang isang shinto. Kung nais niyang maging Katoliko, kailangang may pag-aaral hinggil sa pananampalatayang Katoliko, medyo matagal-tagal ito. Kung mananatili naman siyang isang Shinto, kailangan ang dispensasyon ng “disparity of cult” na ibinibigay ng Obispo kung saan sila magpapakasal. May mga kailangang dokumento ng pangako ang dapat pirmahan bago makakuha ng dispensasyon (Cautiones).

Ano po ba ang dispensasyon sa Kasal?

Ang dispensasyon sa kasal ay ang pagbibigay ng pahintulot na makasal ang babae at lalaki sa kabila ng isang impedimento o hadlang sa kaso ng kanilang kasal, Ibinibigay ito hindi sa pangmaramihang sirkumstansya kundi sa pamamagitan ng pagsusuri ng bawat kasong dumarating sa simbahan. Karaniwang ang Obispo ang nagbibigay nito. Ibinibigay ito ng simbahan kung mayroong sapat at makatuwirang dahilan. Karaniwang ipinapahintulot ito ng simbahan kung ang impedimento o hadlang ay nagmumula sa batas ng simbahan at hindi sa tinatawag na batas natural (natural laws). Kung talagang ang hadlang ay natural, halimbawa ang edad ng kakasalin o ang napakalapit na blood relationships, hindi ito nabibigyan ng dispensasyon. May mga dispensasyon na ang Santo Papa lamang ang nagkakaloob, tulad ng impedimento ng pagpapari at perpetual vows ng mga relihiyoso.

Ikalawang dahilan sa kaso ni Saki, siya ay isang diborsyado. Kailangan ang mga papeles ng deklarasyon ng diborsyo na dapat certified ng Japanese Embassy dito sa Pilipinas. Dapat din magbigay ng certificate of freedom to marry mula sa Embassy. Kailangan ito sa pag-apply ng marriage license sa local civil registrar. Ang marriage license ay kailangan na i-submit sa parokya bago ang kasal.

Kinikilala po ba ng Simbahang Katoliko ang diborsyo?

Ang sallitang diborsyo ay tumutukoy sa paghihiwalay ng mag-asawang mayroong totoong nangyaring Sakramento ng Kasal. Ito ay isinasagawa sa pamamagitan ng deklarasyon ng korte sibil at pinahihintulutan na ang mag-asawa ay maghiwalay at payagang magkapag-asawang muli. Hindi pumapayag ang simbahan sa ganitong kalakaran, lalong-lalo na kung ang kasal ay tunay na may bisa ng isang Sakramento. Sinusunod lamang ng Simbahan ang sinanbi ni Kristo sa Ebanghelyo na “ang sino mang pinag-isa ng Diyos ay hindi dapat paghiwalayin ng sinumang tao”. Kinikilala ng simbahan ang tinatawag na deklarasyon ng annulment (pagdedeklara ng kasal na talagang walang bisa bilang isang sakramento sa simula’t simula ng ito’y ipinagdiwang dahil sa hadlang o impedimento na hindi naalis). Dahil walang naganap na totoong sakramento ng kasal kaya ang simbahan nagdedeklara nito. Subalit ito’y ginagawa ring pormal sa pamamagitan ng Matrimonial Tribunal ng Simabahan.

Ang ikatlong dahilan na nakikita ko ay ang kanyang pagiging banyaga. Kung hindi marunong magsalita ng Ingles, kailangan ang matapat na interpreter para sa pre-nuptial interview at sa mismong pagdiriwang ng kasal upang maunawaan niya ang nagaganap. Dito sa Pilipinas, may isang paring Hapon na nag volunteer upang siya ang mag-interview sa mga Hapon na ikakasal. Siya rin ang magsasagawa ng pagtuturo hingil sa sakramento ng Kasal (pre-marriage instruction o seminar). Siya rin ang magbibigay ng certification na pwede na silang ikasal.

Dito sa Pilipinas, hinihingi ang isang buwan na paghahanda bago ikasal. Kung sakaling kulang sa isang buwan ang paghahanda sapagkat nagmamadali sila, kailangan ang dispensasyon mula sa Obispo. Ito ay upang maisagawa ang marriage banns or Tawag sa Kasal na karaniwang isinasagawa sa loob ng tatlong linggo.

Ano po ba ang inyong maipapayo kay Eva hinggil sa kanyang balak na pakasal kay Saki?

Mas nakabubuti na sa pagdating nila dito sa Pilipinas ay kaagad magtanong sa parokya ni Eva hinggil sa kanilang pagpapakasal upang malaman kaagad ang dapat nilang gawin. Dapat unahin nila ang dapat unahin, lalo na ang mga dokumento na hinihingi ng simbahan at ng local civil registrar. Medyo matagal rin ang paghingi ng mga dispensasyon sa Obispo at ang pre-nuptial seminar. Sa local civil registrar naman ay may 12 araw na publication of notice bago ibigay ang marriage license. Sa banding huli na lang ang paghahanda kung ano ang trahe at mga susuotin sa kasal, o kung saang restaurant ang reception o ang pagpapagawa ng imbitasyon. Mas mahalaga ang seremonyas sa simbahan keysa mga susuotin at pagkain.

No comments: