Friday, August 20, 2010

Q & A # 5


Mayroon pong nagtatanong na isang aktibong myembro ng Couples for Christ (CFC). Isa raw po sa kanilang apostolate ay ang hikayatin ang mga mag-asawa na magpakasal sa simbahan. At sa tuwina pong magsasagawa sila ng Christian Life Seminar, mayroon pong mga kaso na dapat ihanda para tanggapin ang Sakramento ng Kasal. Subalit ang isa pong problema na laging nae-encounter nila ay ang paghingi ng parokya ng baptismal certificates ng mga ikakasal. Karaniwan daw po ay wala silang maipakita dahil hindi alam ng mga ikakasal kung saan sila bininyagan o wala pong registro sa binyag. Yung iba naman po ay malayo ang lugar kung saan sila bininyagan. Kung minsan nga raw po ay iniisip na lang nila na baka pinapahihirapan lang sila sa mga requirements ng parokya. Baka naman daw po pwede nang ikasal kahit walang baptismal certificate?

Kung susumahin natin ang tanong ay: Bakit ba kailangan pa ang baptismal certificate sa kasal?
Ano ba ang pinapatunayan ng baptismal certificate? Ito ang katunayan na ang isang tao ay tumanggap ng Sakramento ng Binyag o naging Katoliko. Sa lahat ng mga parokya ay may libro ng Binyag, kung saan ang mga importanteng impormasyon ay nakatala. At ito’y lubos na iniingatan ng mga parokya. Kailangan ang Baptismal certificate sa kasal upang patunayan na ang mga ikakasal ay binyagang katoliko. Para sa kaalaman ng lahat, ang binyag ay ang pintuan ng lahat ng mga sakramento. Ang ibig sabihin nito’y, matatanggap mo ang iba pang mga sakramento kung ikaw ay binyagan na. Kung hindi ka pa binyag, hindi ka maaaring tumanggap ng ibang sakramento katulad halimbawa ng Kasal. At kung hindi ka katoliko ay hindi ka rin sakop ng Batas ng Simbahan hinggil sa kasal.

At isa pa, ang baptismal certificate ang siya ring magpapatunay na ang ikakasal ay malaya pang magpakasal o hindi pa tumatanggap ng kasal sa simbahan.

Sa ano pong paraan malalaman na ang isang ikakasal ay malaya pa kapag mayroong baptismal certificate?

Alam mo sa Simbahan, mayroon pamamaraan para malaman ang ikakasal ay hindi pa nagpakasal sa simbahan. At ito’y sa pamamagitan ng registro ng binyag. Mayroon policy ang simbahan na ang sinumang ikinasal sa simbahan ay magpapadala ng notice sa parokya kung saan ang mga ikinasal ay bininyagan, at pagkatapos ay ilalagay naman sa libro ng binyag sa puwang ng “annotations, na ang binyagan ay nakasal na. Ito ang dahilan kung bakit kailangan ang baptismal certificate ang sino mang nag-aapply ng kasal. At sa certificate mismo ay inilalagay ang anumang nakasulat sa annotations. Kung hindi pa kasal, ilalagay ng kura paroko ang note na ”Free to marry”. Kung may nauna nang kasal, ilalagay rin ang mga impormasyon nito sa certificate. At kailangan din na ang baptismal certificate ay newly issued at balido lamang sa loob ng 6 na buwan.

Eh, paano po kung hindi naka-rehistro ang kanilang pangalan sa libro ng Binyag, subalit sinasabi naman nilang sila ay nabinyagan na at sila ay pawang mga Katoliko, paano po iyon?

Iyan ang laging idinadahilan ng marami na kesyo sila raw ay binyag na. Subalit kailangan na patunayan ito. Ngayon, paano ba ang tamang proseso?
Una, mas mabuting malaman kung saan ang parokya ng mga ikakasal, o saang bayan sila ipinanganak, o kung saan nakatira ng kanilang mga magulang. Karaniwan na kung saan sila isinilang ay iyon din ang lugar ng kanilang binyag. Sa tulong ng parokya, maaring kontakin ang parokya ng mga ikakasal upang humingi ng baptismal certificate. Ngayong panahon ay mas madaling makontak ang mga parokya. Kung sakaling walang maibigay ang parokya kung saan maaaring naganap ang binyag, ang parokyang iyon ay magbibigay ng “certification of no records.”
Kung walang records, ang kura paroko na naghahanda sa mga kakasalin ay magsasagawa ng mas masinsinang imbestigasyon upang malaman niya kung ang ikakasal ay talagang nabinyagan o hindi. Kung napatunayan niyang nabinyagan siya, kaya lang ay hindi naka lista sa libro, maari siyang magdesisyon na paniwalaan ang pahayag na siya ay binyag. Pero mas nakabubuti na gumawa rin ng affidavit mula sa dalawang testigo bilang patotoo na talagang binyag na siya. Kung mayroon naman siyang pagdududa, ang kura paroko ay maaaring magsagawa ng tinatatawag na “conditional baptism” sa ikakasal.

Paano po ba nangyayari na walang baptismal records ang parokya?

May mga pangyayari na wala sa registro ng binyag ang pangalan ng isang nabinyagan dahil sa kapabayaan ng mga tagapag-lista. Kaya nga dapat ang kura paroko ay laging nagmamatyag upang huwag mangyari ito.
May mga kaso rin na wala na ang registro ng binyag dahil sa sunog, baha o dili kaya’y kinain na ng mga anay ang mga libro ng parokya.
Sa ganitong mga kaso, ang kura paroko ay nagbibigay ng certification of no records.

2 comments:

reyjing said...

Paano po kung kinasal sa judge ang babae pero hindi pa siya nabibinyagan kahit saan may bisa po ba ang kasal nila

reyjing said...

Paano po kung kinasal sa judge ang babae pero hindi pa siya nabibinyagan kahit saan may bisa po ba ang kasal nila